Ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyon para sa habeas corpus na kumukuwestiyon sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Nakasaad sa pahayag na "moot and academic" na ang mga petisyon at hindi na maipatutupad ng mga korte sa Pilipinas ang "writ" dahil nasa kustodiya na siya ng ibang estado.

Sa inilabas na pahayag nitong Martes, ibinasura ng SC En Banc ang mga petisyong inihain ng mga anak ni Duterte na sina Sebastian, Veronica at Paolo Duterte.

Isang araw matapos maaresto si Duterte noong Marso 2025, magkakahiwalay na naghain ng petisyon para sa habeas corpus ang kaniyang mga anak. Isa itong legal na hakbang para kuwestiyunin ang ilegal pagdakip at pagkakulong sa isang tao at hilingin ang kaniyang paglaya.

“The Office of the Solicitor General (OSG) argued that the petitions had become moot, or no longer needed to be resolved, because a writ of habeas corpus issued by Philippine courts cannot be enforced outside the country,” saad sa pahayag ng SC.

“It also maintained that the arrest complied with the Philippines’ international obligations,” dagdag nito.

Kinakatawan ng OSG ang mga opisyal ng pamahalaan na pinangalanang respondents sa mga petisyon.

Sinabi ng SC na moot and academic na ang mga petisyon dahil ang writ of habeas corpus ay maaari lamang ipatupad sa loob ng Pilipinas.

Binigyang-diin din nito na dahil sinusuri sa isang petisyon para sa habeas corpus ang legalidad ng pagkakakulong ng isang tao bago siya iharap sa korte, wala nang praktikal na layunin ang paglalabas ng writ sa naturang kaso.

Mula nang maaresto noong Marso 2025, nasa kustodiya na si Duterte ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

"Significantly, [Duterte] is not just beyond the Court's coercive powers, but also stands accused before an international tribunal that has assumed jurisdiction over his person," ayon sa SC.

Nilinaw naman ng SC na hindi nangangahulugang legal ang pag-aresto at paglilipat kay Duterte sa ICC o walang nilabag na karapatan niya sa ilalim ng Konstitusyon dahil lamang ibinasura ang mga petisyon.

Dagdag nito, dapat idulog sa naaangkop na mga legal na proseso ang anumang alegasyon ng paglabag sa kaniyang mga karapatan sa halip na sa pamamagitan ng petisyon para sa habeas corpus.

“The SC also clarified that it was not deciding whether it is proper for Duterte to seek relief before the ICC, noting that related issues are more aptly addressed in a separate pending case, G.R. No. 278747,” patuloy pa sa pahayag.

Isinulat ni Associate Justice Japar Dimaampao ang desisyon. Siyam na mahistrado ang bumoto pabor sa pagbabasura ng mga petisyon, habang apat naman ang hindi sumang-ayon. Hindi nakadalo si Associate Justice Samuel Gaerlan dahil sa opisyal na tungkulin.

Ipinahayag ang desisyon noong Nobyembre 11, 2026, sa ilalim ng pamumuno ni Chief Justice Rodil Zalameda. – FRJ GMA News