Dumating na sa Pilipinas ang Hollywood star na si Angelina Jolie para magsalita sa gaganaping 2026 ASEAN Inclusive Growth Summit.

Lumapag ang eroplanong sinakyan ng aktres sa Ninoy Aquino International Airport nitong Martes ng umaga, isang araw bago ang idaraos na 2026 ASEAN Inclusive Growth Summit sa Maynila sa Nobyembre 11.

Isa si Jolie sa mga pangunahing magsasalita sa summit na dadaluhan ng mga lider mula sa iba't ibang sektor upang talakayin ang pag-unlad ng ekonomiya sa Southeast Asia.

Bukod sa kaniyang mga blockbuster movies at mga karakter na ginagampanan, kilala rin si Jolie sa kaniyang humanitarian works at adbokasiya para sa mga refugee, mga taong napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan, at proteksiyon sa kababaihan at mga bata.

Nagsilbi siya bilang Goodwill Ambassador ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) mula 2001 hanggang 2012 bago naging Special Envoy nito, isang posisyong hinawakan niya hanggang 2022.—FRJ GMA News