Nagalit at nanaksak ng kaniyang 26-anyos na ate ang 24-anyos na lalaki matapos maubusan umano ng kanin sa kanilang bahay sa Cebu City.
Sa ulat ni Joann Gantalao ng Super Radyo Cebu sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa bahay ng magkapatid sa Barangay Lahug.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagtalo ang dalawa nang magalit ang suspek sa kaniyang ate nang hindi siya matirhan ng kanin.
Pinagsabihan umano ng biktima ang suspek na magluto na lang o umalis ng bahay. Pero nagalit ang suspek na kumuha ng kutsilyo at sinaksak ang kaniyang ate na nasugatan sa likod at paa.
Isinugod sa ospital ang biktima habang nadakip naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek at mahaharap sa kaukulang reklamo. – FRJ GMA News

