Isinuko na ng BINI member na si Mikha Lim ang kanyang driver's license sa Land Transportation Office (LTO) matapos siyang makatanggap ng Show Cause Order (SCO) kaugnay ng umano'y paggamit niya ng cellphone habang nagmamaneho.
Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing personal na nagtungo si Mikha sa LTO Central Office noong Miyerkules, Nobyembre 11, kasama ang kaniyang manager upang isuko ang kaniyang lisensya, na isinailalim sa 90-araw na preventive suspension habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, nakatanggap ang ahensya ng mga ulat at reklamo tungkol sa livestream ni Mikha na makikitang gumagamit ang singer ng cellphone habang nagmamaneho.
Sa video, makikitang kinukunan ng singer ang kaniyang sarili habang nagmamaneho at nahulog pa ang kaniyang cellphone. Sa halip na huminto muna at itabi sa ligtas na lugar ang sasakyan, sinabing yumuko ang singer para kunin ang cellphone habang umaandar ang sasakyan.
Makikita rin sa video na hawak niya ang cellphone habang nagmamaneho.
Dahil dito, naglabas ang LTO ng Show Cause Order na nag-aatas kay Mikha na ipaliwanag ang kaniyang ginawa na maaaring lumabag sa Anti-Distracted Driving Act, reckless driving at pagiging isang improper person to operate a motor vehicle.
Sinabi ni Lacanilao na boluntaryong nagtungo sina Mikha at ang kaniyang manager sa ahensya, bago pa ang nakatakdang pagdinig sa Nobyembre 20, upang isuko ang kanyang driver's license.
“Nakita nila 'yung pagkakamali so boluntaryo sila na nagpunta dito sa LTO para makipag-usap. At nasilbi na rin namin ‘yung show cause order nila at pinaliwanag sa kaniya 'yung kaniyang violation at sinurender din niya 'yung kaniyang driver's license,” anang opisyal.
Hindi nagbigay ng panayam si Mikha sa media sa kaniyang pagpunta sa LTO. Gayunman, sinabi ng ahensya na humingi ng paumanhin ang singer dahil sa kaniyang ginawa.
“She was very apologetic. She acknowledged her mistake, recognizing that driving while recording a video was wrong and that she knew it was strictly prohibited,” Lacanilao said.
“Very apologetic naman siya. Tinanggap niya ang pagkakamali niya dahil mali na nagmaneho siya na nagvi-video na alam naman nating bawal na bawal,” sabi ni Lacanilao.
Binigyang-diin ng opisyal na patas na didinggin ng ahensya ang kaso ni Mikha, anuman ang kaniyang katayuan sa lipunan, at maaga niyang pagtugon sa LTO.
“Pantay-pantay. ‘Di porket sikat or mas nauna silang pumunta kaya kung ano lang nakalagay sa rules na magiging violation 'yun lang naman din ang ma-a-apply. Pero ang kagandahan dito ay malaking bagay na boluntaryo 'yung pagharap nila,” dagdag ni Lacanilao.
Kabilang sa mga posibleng parusa sa ilalim ng Anti-Distracted Driving Act ang multang P5,000 para sa unang paglabag. Maaari din itong umabot sa P20,000 na multa at pagbawi ng driver's license sa ikaapat na paglabag.
Nauna nang naglabas ang LTO ng Show Cause Order laban sa isang hindi pinangalanang miyembro ng isang sikat na P-pop girl group dahil sa umano'y paggamit ng cellphone habang nagmamaneho.—FRJ GMA News
