Pumanaw sa edad na 34 ang kauna-unahang nagwagi sa kompetisyon na Mr. Chinatown na si Randy See.
Ayon sa Instagram post ng kaniyang kabiyak, nasawi ang modelo na lumabas din sa ilang pelikula dahil sa isang aksidente sa sasakyan sa Maynila.
"Thank you to all the friends who love Randy," saad ng kaniyang kabiyak sa wikang Chinese. "He still lives in everyone's memories and hearts."
Ipagdiriwang sana ni Randy ang kaniyang ika-35 kaarawan sa Oktubre 22.
Itinakda ang kaniyang burol mula Oktubre 17 hanggang Oktubre 19, habang sa Oktubre 20 ang inurnment o paghatid sa huling hantungan ng kaniyang abo.
Lumahok ang modelo, na may buong pangalan na Randy Morton See Cailles, sa kauna-unahang edisyon ng Mr. and Miss Chinatown noong 2013 at nagwagi sa naturang patimpalak.
Napanood din si Randy sa mga pelikulang “Beauty and the Bestie” at “Feng Shui 2.” — Nika Roque/FRJ GMA News

