Pumanaw na ang PBA Legend na si PJ Simon sa edad na 46. Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na cause of death ng basketbolista ang kaniyang pamilya. Bagaman may mga haka-haka na maaaring na-heart attack o na-cardiac arrest si PJ. Ano nga ba ang pinagkaiba ng cardiac arrest at heart attack, at ano ang mga palatandaan nito? Alamin din ang tamang pagsasagawa ng CPR.

Sa programang Unang Hirit nitong Martes, sinabi ni Dr. Ailen P. Albaña-Tamargo, isang internist-cardiologist, na palaging “mixed up” ang cardiac arrest sa heart attack.

“‘Pag sinabi po na heart attack, ito po ay pagbabara ng ugat sa puso. Samantalang ang cardiac arrest naman ay nagkakaroon ng biglaang malfunction ‘yung electricity ng puso. So magkaibang magkaiba po sila,” sabi niya.

Ilan sa mga sintomas ng cardiac arrest ang biglaang pagkawala ng malay, hindi humihinga at wala nang pulso.

Maaari silang mahirapang huminga, biglang babagsak, mawawalan ng malay.

“‘Yung puso kasi natin po meron po yang tinatawag na electricity para doon sa daloy ng puso. So pagka nagkaroon ng malfunction sa electricity ng heart, bigla pong hindi magkakaroon ng pag-pump ng blood papunta din sa ibang organs ng katawan katulad ng brain, ng lungs. Kaya hindi na hihinga, biglang babagsak, mawawalan ng malay,” paliwanag niya.

Ilang causes o triggers ang nagdudulot ng fatal arrhythmia, na hahantong sa cardiac arrest.

Pagdating naman sa heart attack, ilan sa sintomas nito ang pananakit ng dibdib o chest pain, sakit sa kaliwang parte ng kamay, sa panga, sa likod, at pinagpapawisan nang malamig.

Kadalasang gising ang mga pasyente sa heart attack.

Mas madaling agapan ang heart attack dahil gising ang mga pasyente, kaya maaari agad tumawag sa emergency services at dalhin siya sa ospital.

Mas delikado ang cardiac arrest pero maaari pa rin silang mailigtas kung maipe-perform ang CPR.

Sinu-sino ang mga at-risk?

Ayon kay Tamargo, mga at-risk sa cardiac arrest o heart attack ang mga meron nang coronary artery disease o mga bara-bara sa ugat sa puso, at mga pasyenteng may mataas ang blood pressure, high blood, mataas ang cholesterol lalo ang LDL, obese, mga may family history at smoking history.

Kasama na rin ang mga may edad na, lalong-lalo sa mga lalaki at mga postmenopausal women.

Tunghayan sa Unang Hirit ang mga nararapat gawin kapag nakararanas ng heart attack o cardiac arrest ang isang pasyente, at ang tamang pagsasagawa ng CPR. Panoorin at matuto. – FRJ GMA News