Isang rider na 16-anyos ang nasawi matapos na maaksidente habang nagmamaneho ng motorsiklo sa Vintar, Ilocos Norte. Ayon sa pulisya, may hawak na bote ng serbesa ang biktima nang mangyari ang trahedya.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing Grade 10 student ang biktima na nawalan ng kontrol sa manibela ng motorsiklo sa palikong bahagi ng kalsada sa tapat ng palengke.

Sumemplang ang biktima, bumangga sa puno at napunta sa kanal na nasa gilid ng kalsada.

Isinugod siya sa ospital pero hindi na umabot nang buhay.

Ayon sa pulisya, may hawak umanong bote ng alak ang binatilyo nang mangyari ang insidente at nakainom ito.

Kinumpirma naman ng ina ng binatilyo na nakaiom ang anak pero hindi naman umano grabe.—FRJ GMA News