Ipinagluluksa ng showbiz industry ang pagpanaw ng Filipino comedian na si Ate Gay, o Gil Aducal Morales sa tunay na buhay, sa edad 55 noong Nobyembre 1. Muling sulyapan ang kuwento ng buhay ni Ate Gay, batay sa mga kuwento ng kaniyang pamilya at mga malalapit sa buhay.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” binalikan ang lugar ng Tondo, kung saan nanirahan si Ate Gay at mas nakilala sa palayaw na “Kepong.”
“‘Kepong kasi 'yung magganon ganu’n siya, ‘yung kapag kumain siya, hindi siya nakanganga. Parang ang kepong, makipot ang bibig,” sabi ni Violeta Hernandez, kapatid ni Ate Gay.
Kuwento naman ni Maricon Morales, pamangkin ni Ate Gay, sinusubukan muna ni Ate Gay ang kaniyang mga joke sa mga pamangkin kung nakakatawa bago gamitin sa kaniyang mga show.
Inalala ni Violeta ang isang nakatutuwang eksena sa bahay kasama si Ate Gay.
“Hindi ko lang makalimutan noon, noong nagtimpla siya ng kape tapos ang nailagay niya, vetsin. ‘Ano ba 'yan? Nilalason na ako.’ Gumaganu’n siya. Sabi niya, ‘'Yung asukal niyo vetsin.’ Kasi ‘yung sa garapon ba. Ganu’n siya. Kaya magtatawanan na naman kami. Hindi mo siya makikitang magagalit,” ani Violeta.
Sa paggaya naman ni Ate Gay kay “Superstar” Nora Aunor, inihayag ng isa pa nitong pamangkin na si Kobi Morales na wala talaga itong nunal sa pisngi. Sa halip, pamintang buo ang kaniyang ginagamit.
“Wala siyang nunal. Nakalagay sa lagayan ng singsing. Pagbuukas mo, ang daming paminta. Ayun pala dito nilalagay (pisngi), dinidikit lang pala nang buo,” sabi ni Kobe.
Dahil sa sipag at husay ni Ate Gay, unti-unti niyang naiahon sa hirap ang kanilang pamilya.
“Si ate Gay po kasi nabili ng gatas ko dati. Si tito ko po nagsusustento lahat ng pangangailangan ko bilang pamangkin. Parang siya po 'yung tumatayong tatay. Ayun po ang kuwento sa akin ng magulang ko dati,” ani Kobe.
Kaya naman hindi nila pinalalampas na bisitahin ang kanilang tiyuhin kapag nag-aya itong pumunta sila sa Tondo.
“Nagsasabi ‘yan sa GC namin na ‘Pauwi akong Tondo, pumunta kayo.’ Siyempre kami mga taga-Cavite kami. Lahat kami non ma'am all out. Pupunta kami lahat doon papuntang Tondo. Hindi sa pera eh. Kumbaga sa saya, sa lahat, pagmamahal. Kasi ang tinuro sa amin ni tito, ang pera nagagastos ‘yan, nawawala. Pero ang pagmamahal sa pamilya hindi,” sabi pa ni Kobe.
Maging mga kapitbahay ni Ate Gay sa Tondo, inaambunan niya ng biyaya.
Ngunit dahil sa kaniyang sakit, unti-unting naubos ang ipon ni Ate Gay, dahil na rin sa laki ng gastusin. Pasasalamat naman ng kaniyang pamilya na dumagsa ang tulong mula sa fans at iba pang may mabubuting loob.
“Maraming salamat po. Kung kailangan luhuran ko kayo isa-isa para malaman niyo lang pasasalamat naming lahat. Kung hindi dahil sa inyo hindi rin kami mapapansin. Maraming salamat po. Kulang ang pasalamat sa ginawa ninyong tulong sa kapatid ko,” sabi ni Violeta.
“Para po sa lahat na nagmahal sa kapatid ko, mga kaibigan,” dagdag niya.
Inilahad ng mga kaanak ni Ate Gay ang mami-miss nila sa kaniya.
“Ang mga jokes po. Tapos mga asaran din po. Mga luto niya po. Lalo po 'yung siomai niya, masarap po. Like parang hindi mo siya mahahanap sa ibang mga tindahan,” sabi ni Johnina Fernandez.
“Hindi ko pa po tanggap. Hindi pa po ako okay. Kumbaga para sa akin nagco-concert lang po siya,” sabi ni Shyre Nickolai Fernandez,
“‘Yung pagkabuhay niya nu’ng first na sakit niya, miracle na ‘yun eh. Tapos nu’ng gumaling siya sa cancer niya, second life 'di ba. So miracle pa rin ‘yun. 'Yung siguro 'yung death niya. It's just a gift na I think it's time for you to rest,” sabi ni Maricon.
Pumanaw noong Nobyembre 1 si Ate Gay dahil sa stroke at inilibing siya niyang Martes, sa Forest Lake Memorial Park sa Biñan, Laguna. – FRJ GMA News
