Sa kaniyang pagbisita sa programang “i-Listen with Kara David,” inilahad ng aktor na si Epy Quizon ang kaniyang saloobin noong lumalaki siya patungkol sa kaniyang ama na si Dolphy.
Ayon kay Epy, nagkaroon siya noon ng pakiramdam habang lumalaki na hindi siya mahal ng kaniyang ama.
“I heard a phone call from my mom. Siguro galit ang nanay ko sa kaniya nu'ng panahon na 'yon… Landline pa dati… Tapos sinabi ng mommy ko, ‘Noong ipinanganak nga yang si Epy…’ tiningnan niya parang ‘nasalisihan’ daw siya,” kuwento ni Epy.
Pero isang paraan pala iyon ng pagbibiro ni Dolphy sa batang Epy, na ipinanganak na blonde ang buhok at tila asul ang mata.
“Pagtingin niya, ‘Ba't parang ano ‘to mas Amerikano ‘to? Parang nasalisihan ako,’” pag-alala ni Epy sa sinabi noon tungkol sa kaniya ng ama.
Dahil sa naturang pag-uusap ng kaniyang mga magulang, nagsimula raw makaramdam na hindi siya mahal ni Dolphy.
“And I overheard that na akala ko unwanted. May mga ganu’n ba na issue ako na kinupkop ko [sarili]. Ang tagal kong kinupkop. Like years. Parang mga 10 years din,” patuloy niya.
Labis noong naapektuhan si Epy.
“I almost ***. As in those were weird times for myself. And I was really emotionally troubled,” dagdag niya.
Bukod dito, lagi rin siyang nasasangkot sa mga away.
“Ang dami kong away. Ang dami kong fist fights. Ang dami kong... basta talaga patapon. You cannot call me ‘Vandolph.’ Dati 'di ba ang pang-alaska sa amin ‘Vandolph. Suntukan agad ‘yan. Kumbaga nakikipagsuntukan ako almost araw-araw,” pagbahagi pa niya.
Nagbago ang pananaw
Hanggang sa edad 22 o 23 siya noon nang makilala niya ang Diyos at sumali sa retreat na Days with the Lord, sa imbitasyon ng kapatid nilang si Ronnie.
“It's like a retreat where I really had a personal… doon nagsimula 'yung relationship ko with God. That's the time I learned how to forgive,” pagbahagi niya.
Doon siya natutong patawarin ang ama.
“On the third day, they asked us to write a letter to our parents. That's when I wrote to my dad. Kumbaga basically forgiveness. ‘Yung mga past issues ko and past and you know…” sabi ni Epy.
Doon inihayag ni Dolphy ang pagmamahal nito bilang ama sa kaniya.
“Then he cried in front of the camera saying while he was being interviewed, saying how can I not love my Epy? I mean ‘18 na nga silang minamahal ko, bakit mamimili ako ng isang hindi ko mamahalin?,’” pag-alaala niya.
“And then I remember may taping kami noon, tinawag niya ako sa van. Umupo kami doon sa van, tapos ‘yun, nag-heart to heart kami roon. And then from that day on we never failed to say I love you to each other,” sabi pa niya.
Ayon pa kay Epy, binalikan nila ni Dolphy kung saan niya nakuha ang impormasyon.
“Kumbaga binalikan lang namin 'yung issues, ‘Kung saan mo ba nakuha 'yung impormasyon na hindi kita mahal? Hindi totoo 'yon. Dahil lahat kayo mahal na mahal ko,’” pag-alala niyang sabi sa kaniya ng ama.
Humingi ng tawad si Epy sa ama.
"’Dad, sorry. I should have addressed that even before. Pinalaki ko lang nang hindi ko ina-address. 'Yun 'yung mali ko 'di ba?’” sabi niya.
Doon na tuluyang nagbago si Epy.
“Complete turn around,” ayon sa aktor. – FRJ GMA News
