Nagpahayag ng pag-aalala si Inka Magnaye sa epekto ng artificial intelligence (AI) sa mga artists at creatives matapos mawalan ng voice-over job ang kaniyang ina nang dahil sa AI.
“My heart breaks for all the artists and creatives,” panimula ni Inka sa kanyang social media caption na may kalakip na screenshot ng mensahe ng kaniyang ina na nagsabing, “I just lost a voice over job to AI.”
Hindi sinabi ni Inka kung sino ang kliyente pero inilarawan niya ito na isang “major brand.”
"I also understand business decisions are made for the interest of the company, but we need to think about where our money goes," patuloy ng voice actor at content creator.
Hinikayat niya ang mga tao na pag-isipan kung saan nila ginagastos ang kanilang pera at kung paano maaaring makaapekto ang kanilang mga desisyon sa mga human creative.
“Where you spend your money is a vote you cast toward the future you want,” pag-alala niya sa isang linyang matagal nang tumatak sa kaniyang isipan.
Kinuwestiyon din ni Inka kung ang pagpapalit sa mga human talent ng AI ang uri ng hinaharap na gusto ng malalaking kumpanya.
“AI is a tool, but ethically should never be used to replace human talent,” saad niya.
Pinuna rin niya ang mga AI-generated voice-over, artwork at musika, at sinabing wala ang mga ito ng mga katangiang nagmumula sa pagiging malikhain ng tao.
“AI VOs sound lifeless. AI art feels lifeless. AI music sounds lifeless. Why? Because AI is not alive. It can never replicate life,” giit niya.
Kinikilala ni Inka na maaaring makatipid ang mga kumpanya sa paggamit ng AI, ngunit iginiit niyang consumers din ang mga human artist na kalaunan ay sumusuporta sa mga negosyong kumukuha sa kanila.
Sa huli ng post, inihayag niya na available na muli ang kaniyang ina para sa mga voice-over project matapos mawala ang naturang trabaho mula sa isang major brand.
“If any brand or company out there wants to hire an amazing voice over, my mom’s schedule just freed up,” ani Inka.
Kabilang si Inka sa voice cast ng Philippine release ng DC film na “Blue Beetle.” Siya rin ang naging boses sa AI ni Good Boy sa “Start-Up PH.”
Mayroon din siyang ASMR podcast na “Sleeping Pill With Inka.”— Jade Veronique Yap/FRJ GMA News

