Ngayong edad 60 na, inihayag ni Agot Isidro na tanggap at niyayakap niya ang kaniyang pagiging isang senior citizen.
“Kasi darating tayo lahat doon, guys,” panimula ni Agot sa panayam sa kaniya ng media sa Kapuso Showbiz News.
Ayon kay Agot, hindi siya naging in-denial ngayong umabot na siya ng 60, at inilahad ang mga preparasyon na ginawa niya rito.
“In-embrace ko siya talaga, 'yung pag-60. Pero 'yung pagka-embrace nu’n, meaning I took care of myself really well. 'Yung maayos ako kumain, nag-e-exercise ako. Kapag kailangan ko ng mental health break, mag-break ako. [Kung] kailangan ko mag-de-stress by traveling or whatever ginagawa ko, nagyoyoga ako. So mayroon din ganu’ng preparation towards a healthy senior life,” paliwanag niya.
Hindi rin niya ininda ang pagdagdag ng kaniyang edad.
“Hindi ako natakot. Hindi ko ininda 'yung ‘Ah ang tanda ko na. Dapat wala, dapat living life at explore,” saad niya.
Bukod dito, hindi niya na rin inaalintana pa ang mga komento ng ibang tao.
“Medyo wala na akong pakialam sa mga sinasabi ng tao,” anang aktres. “Kasi siguro, feeling ko at 60, I have friends. I surround myself with people who love me and I love pa. Tapos nakagagawa pa ako ng trabaho, mayroon pa akong energy to do all these things,” sabi ni Agot.
Kaya naman daw iniiwasan na niya ang mga negatibong kaisipan at komento tungkol sa kaniya.
“Gusto ko kalma lang, peace. Kalmado lang ako. So dini-dedma ko sila. Pino-force field ko 'yung mga masasamang energy,” ayon sa singer-actress.
Pinagpapasalamat din ni Agot ang kaniyang mabuting kalusugan.
“Kasi siguro kasi nga, blessed din ako with 'yung health. So okay pa ako, nakakatakbo ka minsan. 'Yung nakakabuhat, kasi nagwe-weightlift ako eh,” patuloy niya.
Sinabi rin ni Agot na mas bukas pa siya sa roles na hindi tipikal na ina.
Mapanonood si Agot sa Cinemalaya entry na “Mag-iina,” CinePanalo film “Patay-Gutom,” “Ganito, Ganyan, Ganoon” na napanonood sa Netflix, at pelikulang Filipiñana. – FRJ GMA News
