Makikilala na ang mga bagong set ng housemates sa muling pagbubukas ng “Bahay ni Kuya” sa pinakabagong season sa “Pinoy Big Brother Collab 3.0.”

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing magbabalik bilang hosts ng “Teleserye Ng Totoong Buhay” sina Bianca Gonzales, Robi Domingo, Gabbi Garcia, Melai Cantiveros, Enchong Dee at Alexa Ilacad.

Makakasama rin nila ang pinakabagong dagdag sa PBB Family na si Michael Sager.

Mapanonood na ang PBB Collab 3.0 sa ganap na 6:00 p.m. sa GMA at sa Kapuso Stream.

Sina Brent Manalo at Mika Salamanca ang itinanghal na Big Winner duo sa kauna-unahang “PBB: Celebrity Collab Edition.”

Noong Pebrero, itinanghal naman sina Caprice Cayetano at Lella Ford bilang Kapuso at Kapamilya Big Winners ng “PBB: Celebrity Collab Edition 2.0.

Bukod sa mga bagong housemate, makikita na rin ang bagong bahay ni Kuya na gagamitin sa ikatlong collab edition ng reality show. —Jamil Santos/FRJ GMA News