Nagsalita na si Faith Da Silva tungkol sa larawang nakita siyang kasama ni Sam Verzosa sa Los Angeles International Airport (LAX). Sinagot din niya ang tanong sa “Fast Talk with Boy Abunda" kung boyfriend ba niya ang negosyante. Alamin.

“We were there as a group. It’s a group trip. Pangarap ko yun , pangarap ko to be there,” sabi ni Faith sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, na idinagdag na una niya iyong pagbisita sa United States.

Ayon pa sa Sparkle star, alam na niyang kumakalat na online ang mga larawan nila ni Sam, bago pa man sila nakarating sa Los Angeles.

“Sabi ko hindi pa pala kami nakakalapag nang LA kumalat na pala yung isyu na yon, nalaman na pala ng lahat. I mean, sabi ko naman ako wala naman akong itinatago,” sabi niya.

Nagpasalamat si Faith para sa pagkakataong makapag-travel kasama ang grupo, at binanggit na kabilang sila sa iisang circle of friends.

“I’m very, very blessed that I got the opportunity to be with them. All of them,” sabi niya.

Nang tanungin ni Tito Boy kung napag-usapan ba nila ni Sam ang mga haka-hakang may relasyon sila, sinabi ni Faith na alam na nila ang mga espekulasyong iyon ilang buwan pa bago ang kanilang biyahe sa Los Angeles.

“Oo naman napag-uusapan. Kasi even before pa, a few months ago, nanood kamu ng concert together, and that was also a group thing. Noon pa lang napag-uusapan na talaga ito. Wala, natatawa lang kami,” sabi niya.

Paglilinaw pa ng aktres, hindi niya boyfriend o nobyo si Sam pero sobrang malapit sila sa isa’t isa.

“I met him five years ago pa. Matagal na kaming magkakilala. And because of him sa totoo lang ang daming opportunities na nag-open sa akin. Dahil sa knowledge na mayroon siya,” ani Sam.

“He taught me about manifestations, affirmations, and because of him parang yung pangarap ko sa buhay mas lumaki. Because nakita ko walang imposible sa buhay na ito. We’re very, very close, kami ni Sam,” patuloy niya.

Ayon pa kay Faith, nasa yugto pa sila ng “getting to know each other” pero hindi niya nobyo ang negosyante.

Noong Hunyo, naging panauhin si Sam sa “Fast Talk” kung saan nilinaw niya na magkaibigan lamang sila ni Faith.

Dating naging kasintahan ni Sam si Rhian Ramos.

Noong Marso, kinumpirma ni Rhian sa “Fast Talk with Boy Abunda” ang kanilang hiwalayan, na nangyari noon pang Oktubre 2025. Sinabi rin niya na walang kinalaman si Wil Dasovich sa kanilang paghihiwalay.

Samantala, nakatakdang ipalabas ang “Red Crown” sa mga sinehan sa buong bansa simula sa Oktubre 28, na kinabibilangan ni Faith. – Jamil Santos/FRJ GMA News